CAUAYAN CITY – Pinatanggal na ng mga opisyal ng San Fermin, Cauayan City ang dalawang Material Recovery Facility (MRF) na laging inirereklamo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Leonar Adam, Chairman ng Committee on Clean and Green ng San Fermin, Cauayan City, sinabi niyang kahapon din ay ipinakuha na nila ang mga MRF na matatagpuan sa highway.
Agad din silang nagpulong kasama ang ilang opisyal sa pamahalaang lunsod upang magtakda ng panibagong paraan ng paghahakot ng basura.
Simula ngayon ay kukunin na ng mga naghahakot ng basura ang mga basura sa harapan mismo ng mga bahay ng mga residente.
Ang mga nakatira naman sa looban ay obligadong ilabas ang kanilang mga basura kapag dumating na ang mga naghahakot ng basura.
Umaasa ang barangay na sa pamamagitan nito ay wala ng maiiwang tambak ng basura sa gilid ng mga kalsada.
Mahigpit na rin nilang ipatutupad ang No Segregation No Collection policy at ang mga hindi susunod ay hindi hahakutin ang kanilang mga basura.
Tiniyak din niya na araw-araw ang paghahakot ng mga basura kahit sa araw ng Linggo at Sabado.
Tinig ni Barangay Kagawad Leonar Adam.