Nakamit ni Matty Juniosa, dating contestant ng Idol Philippines, ang Golden Buzzer sa Britain’s Got Talent Season 19 matapos mapabilib ang mga hurado sa kanyang pagtatanghal.
Itinampok ang kanyang performance sa episode noong Marso 28, kung saan inawit niya ang kantang “Purple Rain” ni Prince.
Ibinahagi ni Juniosa na tatlong taon na siyang naninirahan sa Glasgow, Scotland at kasalukuyang nagtatrabaho bilang part-time waiter. Ayon sa kanya, matagal na niyang hinahangad ang pagkakataong makapag-perform sa malaking entablado at patunayan ang kanyang kakayahan bilang mang-aawit.
Matapos ang pagtatanghal, tumayo at nagbigay ng standing ovation ang mga hurado na sina Simon Cowell, Amanda Holden, Alesha Dixon, at KSI, pati na rin ang audience. Pinindot ni Cowell ang Golden Buzzer, na agad nagbigay kay Juniosa ng puwesto sa susunod na yugto ng kompetisyon.
Sa kanyang social media post, inamin ng singer na hindi pa rin siya makapaniwala sa natamong tagumpay at humingi ng suporta mula sa publiko. Binanggit niya rin ang inspirasyon mula sa mga naunang contestants tulad ni Susan Boyle na sumikat sa palabas.
Aniya, malaking karangalan para sa kanya ang maipakita ang talento sa international stage at hinihikayat niya ang suporta ng mga Pilipino at ng mga taga-Glasgow sa kanyang paglahok sa kompetisyon.





