--Ads--

CAUAYAN CITY- Planong magpatupad ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karne ng baboy ang Samahang Industriya ng Agricultura o SINAG sa ilang mga lugar sa bansa.

Ito at kasabay ng pagpapatupad ng Department of Agriculture ngayong araw ng MSRP sa karne ng baboy sa Metro Manila kung saan P380 ang MSRP sa kada kilo ng Liempo habang P350 kada kilo naman sa Kasim at Pigue.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SINAG Chairman Engr. Rosendo So, sinabi niya na sa susunod na linggo ay pag-aaralan nilang maigi ang mga lugar sa labas ng Metro Manila na may mataas na presyo ng karne ng baboy para makapag-implementa rin ng MSRP.

Aniya, ang pagtaas sa presyo ng baboy ay resulta ng pagtama ng African Swine Fever o ASF sa bansa kung saan umabot sa mahigit kumulang 2 million na baboy ang namatay.

--Ads--

Gayunpaman ay nabawi naman ng Imported Porks ang kawalan ng lokal na suplay sa karne ng baboy kaya wala dapat umanong dahilan sa labis na pagsipa ng presyo nito.

Dahil dito ay kinausap umano nila ang mga producers at backyard raisers na huwag magpatong ng sobrang taas na presyo para hindi lubos na maapektuhan ang mga mamimili.

Samantala, maliban sa karne ng baboy ay pinag-aaralan din nila ang pagbaba ng presyo ng ibang mga agricultural products gaya na lamang ng kamatis.

Dahil sa sumasadsad ang presyo ng kamatis ay tututukan din nila ang pagpapatupad ng presyo na hindi ikakalugi ng mga magsasaka.