CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong Estafa Committed by Syndicate ang may-ari ng isang construction company kasama ang kanyang anak at isang engineer na inaresto matapos isilbi ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang search warrant sa kanilang opisina sa Patul, Santiago City.
Ang mga inaresto at kinasuhan ay sina Pelido Bautista, nasa tamang edad, anak na si Ryan Bautista at si Engr. Florencio Padernal Sr. na kabilang sa B. Bautista Quality Construction Builders Incorporated.
Binigyan ng 10 araw para maghain ng counter affidavit ang mga akusado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Supervising Agent Christopher Mesa ng NBI-Isabela na may nagparating sa kanilang tanggapan na ang grupo ni Ryan Bautista ang may-ari ng B. Bautista Quality Construction Builders Incorporated na matatagpuan sa Patul, Santiago City at sinasabing contructor ng Dito Telco sa region 2 at nagpapanggap din sila na civil engineer.
Batay sa imbestigasyon ng NBI Isabela, nangongolekta umano ng malaking halaga ng pera na aabot sa 65,000 pesos ang nasabing kompanya para sa relocation, backfill at vicinity map na bahagi ng leasing contract para sa pagtatayuan ng tower ng isang telecommunication company.
Ang grupo umano ni Bautista ay nagpapalagda ng blangkong kontrata.
Sa ngayon ay wala pang pormal na nagrereklamo laban sa nasabing construction company
Nagsagawa rin ng hiwalay na pagberipika ang NBI sa Professional Regulation Commission (PRC) para alamin ang katauhan ni Bautista hanggang sa napag-alaman na hindi lisensyadong inhinyero taliwas sa kanyang pagpapakilala sa kanyang mga kliyente.
Samantala, patuloy na inoobserbahan sa isang pribadong ospital sa nasabing lungsod si Pelido Bautista matapos atakehin nang arestuhin siya ng mga awtoridad habang pinaghahanap pa rin ang kanyang asawa na nakatakas.





