Naniniwala si Interior Secretary Jonvic Remulla na may mga taong nasa “mataas na puwesto” na umano’y nagbibigay ng proteksyon sa mga sangkot sa smuggling ng sigarilyo sa bansa.
Inilahad ni Remulla ang pahayag sa isang press briefing matapos ang isinagawang pagsalakay ng Bureau of Customs kasama ang iba pang awtoridad sa isang ilegal na cigarette manufacturing warehouse sa Tanza, Cavite.
Tinatayang nagkakahalaga ng P200 milyon ang mga nakumpiskang ilegal na produktong tabako, makinarya, at mga raw materials na nadiskubre sa operasyon. Ayon kay Remulla, bagama’t hindi pa natutukoy ang mga sinasabing protektor, naniniwala siyang kalaunan ay malalantad din ang mga ito.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at economic sabotage.
Nadiskubre ang ilegal na pasilidad matapos makatanggap ang mga awtoridad ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa matinding amoy ng tabako na nagmumula sa isang bodega na idineklarang imbakan ng mga de-lata.
Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang 11 pinaghihinalaang cigarette-making machines, dalawang generator set, isang forklift, at mga finished cigarette products. Nakumpirma rin ang pagkakaroon ng mga pekeng at iregular na tax stamps, na nagpapakita ng malawakang pag-iwas sa tamang pagbabayad ng buwis.
Sinabi pa ni Remulla na umabot sa P30 bilyon ang nawalang buwis ng gobyerno noong nakaraang taon dahil sa ilegal na operasyon ng sigarilyo.
Nagbabala ang kalihim na hindi lamang mga manufacturer ang kanilang hahabulin, kundi pati na rin ang mga distributor at retailer. Anumang indibidwal na mahuhuling nagbebenta ng kontrabando ay maaaring sampahan ng kaso sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na itinuturing na isang non-bailable offense.











