
CAUAYAN CITY – Itinanggi ni Mayor Bernard Dy na ipinapatupad ang lockdown sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na hindi ini-encourage ang pagpapatupad ng lockdown kundi extreme enhanced community quarantine ang posibleng ipairal sakaling magkaroon ng positibo sa Coronavirus Disease (COVID 19) sa lunsod.
Wala aniyang pagbabago sa mga guidelines na ipinapatupad sa mga checkpoint sa Cauayan City.
May paraan lang na ipinaiiral ang mga nasa checkpoint tulad ng pagbibigay ng number para malimitahan at makontrol ang mga tao na pumapasok at lumalabas sa lunsod.
Samantala, sinabi ni Mayor Dy na inilipat na sa F.L. Dy Coliseum ang pagrerepack ng mga goods na ipapamahagi sa mga mamamayan.
Ang mga barangay aniya na na naunang nakapagbigay ng relief packs sa mga residente ay magpapamahagi ng panibagong rasyon.
Hindi aniya puwede ang one time bigtime na pagbibigay ng mga relief packs kundi dapat ay lingguhan hanggang matapos ang enhanced community quarantine.




