--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinawag ni Cauayan City Mayor Bernard Dy na fake news ang sinasabi na ipinababalik ang 1,000 na naunang ibinigay ng pamahalaang lunsod sa mga rehistradong tricycle driver/operator na nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na ibinigay na ng City Government ang nasabing ayuda kaya hindi na babawiin.

Ang mga tricycle driver/operator na hindi nabigyan ng ayuda sa ilalim ng SAP ay pagkalooban ng pamahalaang lunsod ng dagdag na 4,500 para maging 5,500 sa ilalim ng AKAP program ng LGU.

Ang tinig ni Mayor Bernard Dy

Samantala, ganap na ipatutupad sa Lunes, May 4, 2020 para magkaroon ng sapat na impormasyon ang mga tao ang number coding sa mga pampasadang tricycle at ang dobleng pasahe.

--Ads--

Ang mga may body number na ending sa odd numbers na 1,3,5, 7 at 9 ay papayagang mamasada lamang tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes.

Ang mga even numbers na 0, 2, 4, 6, at 8 ay Martes, Huwebes at Sabado at sa linggo ay free o walang number coding.

Nilinaw ni Mayor Dy na walang travel pass na hinihingi ang pamahalaang lunsod sa mga sasakyan mula sa ibang lugar para mamalengke o bumili ng kanilang mga kailangan sa Lunsod ng Cauayan basta sundin ang number coding scheme, magsuot ng face mask  at sundin ang social distancing.

Ang mga bahay kalakal ay bukas mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon habang ang mga bahay kainan ay hanggang alas siyete ng gabi ngunit delivery at take out lamang.

Balik na sa normal ang banking hour ngunit sa mga money transfer ay hindi pa batid kung payag sila sa operasyon na hanggang alas siyete ng gabi.

Sa Cauayan City Hall, sinabi ni Mayor Dy na tuluy-tuloy na ipapatupad hanggang matapos ang taon ang  4-day work per week batay sa guidelines ng Ciivil Service Commission  (CSC).

Hiniling ni Mayor Dy ang patuloy na pagsunod ng mga mamamayan sa mga ipinapatupad na guidelines sa ilalim ng GCQ.