--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinawag ni Mayor Bernard Dy ng Cauayan City na foul o mali ang ginawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na pagtungo sa tanggapan ng Public Order and Safety Division (POSD) para magbigay ng babala na huwag hulihin ang mga  nagpapataya ng Small Town Lottery (STL) sa lunsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang-diin ni Mayor Dy ang kanyang pagkadismaya dahil sa halip na ang NBI ang makakatuwang nila sa pagpapatupad ng mga panuntunan ay sila pa ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga sangkot sa illegal gambling dahil walang permit mula sa LGU ang operator ng STL.

Ayon kay Mayor Dy, marami ang mga tauhan ng NBI ang iba ay mga volunteer na kasama ng isang agent  na pumasok kamakailan sa tanggapan ng POSD.

Ang pangyayaring ito aniya ay ipina-blotter sa Cauayan City Police Station.

--Ads--

Iginiit ng punong lunsod na mali ang kanilang ginawa dahil hindi sila puwedeng  magsita sa mga enforcers din.

Sinabi pa ni Mayor Dy na nakausap niya ang provincial director ng NBI at kinumpirma na mga tauhan niya ang nagtungo sa POSD at sinabing tumugon lang sila sa mga  reklamo na hinuhuli ng POSD ang mga  kabo ng STL.

Sinabi naman umano ng regional director ng NBI na hindi tama na panghimasukan ang mga  affairs ng LGU.

Iginiit pa ni Mayor Dy na ang dapat ginawa ay pumunta sila mismo sa kanyang opisina at hindi sa tanggapan na nagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at sa batas sa pagpapatupad ng health protocols kaugnay ng paglaban sa COVID-19.

Kaugnay ng operasyon ng STL sa Cauayan City, sinabi ni Mayor Dy na noong nakaraang taon ay binigyan nila ng sulat ang Sahara Games and Amusement Philippines Corporation at hiningan ng paliwanag sa patuloy na operasyon gayong walang permit.

Pagkatapos ng limang araw ay muling nag-operate ito kaya nagtungo mismo si Mayor Dy sa kanilang tanggapan at pinakiusapan na itigil muna ang operasyon habang pending ang reklamo ng pamahalaang panlalawigan sa legalidad ng operasyon ng Sahara.

Ayon kay Mayor Dy, layunin ng joint hearing ng House Committee on Games and Amusement, House Committee on  Good Government and Public Acountability na kanyang dinaluhan na maisaayos ang sitwasyon hinggil sa operasyon ng STL.

Nanindigan si Mayor Dy sa pagharap niya sa pagdinig ng Kamara na unauthorized ang operasyon ng STL sa Cauayan City dahil sa kawalan ng permit at paglabag sa  standard health protocol.

Bilang local chief executive ay tungkulin niyang i-regulate ang mga economic activities at protektahan  ang interest publiko at hindi ng iilan.

Ang pahayag ni Mayor Bernard Dy

Ayon kay Mayor Dy, sa naganap na hearing ay inirekomenda ang ilang options tulad ng pag-amiyenda sa charter ng Piilipine Charity Sweeptakes Office (PCSO) dahil hindi nakasaad dito ang pagkuha ng agents para patakbuhin ang STL.

Ikalawang option ang pag-amiyenda sa Local Gov’t Code para sa halip na agent ay LGU na lang ang kausapin hinggil sa operasyon ng STL.

Nilinaw ni Mayor Dy na kinikilala niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng tulong ng PCSO sa mga nangangailangan mula sa kita sa operasyon ng lottery at legal na sugal ngunit dapat sumunod sa proseso ang Sahara Games and Amusement Philippines Corporation tulad ng pagkuha ng permit sa LGU hinggil sa operasyon nito at pagsunod sa mga health protocol.

Muling magsasagawa ng joint hearing ang dalawang committee sa Kamara sa March 1, 2021.

Kinumpirma rin ni Mayor Dy na magsasagawa rin ang Senado ng hiwalay na pagdinig matapos na maghain ng resolusyon si Senador Panfilo Lacson ngunit wala pang itinakdang petsa.

Ang pahayag ni Mayor Bernard Dy

Samantala, tiniyak ni POSD Chief Pilarito Mallillin na tuloy ang kanilang operasyon kontra sa illegal gambling sa kabila ng isyu ng pagbibigay ng babala ng isang ahente ng NBI na nagtungo sa kanyang tanggapan hinggil sa paghuli sa mga nagpapataya  ng Small STL.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni POSD Chief Mallillin na sa pag-uusap nila ng tauhan ng NBI na nagtungo sa kanyang tanggapan ay iginiit niya na sila ang arm component ng pamahalaang lunsod at itinalaga na  pinuno ng Anti-illegal Gambling Task Force mula noong 2019.

Sa bisa aniya ng direktiba ni Mayor Bernard Dy ay tungkulin nilang magbigay ng notice at hulihin ang mga sangkot sa llegal gambling sa koordinasyon sa Philippine National Police (PNP).  

Binigyang-diin ni Mallillin na ang NBI ay humahawak sa mga  seryosong kaso at dapat  tulungan din sila sa pagpapatupad ng mga batas para hadlangan ang mga  illegal na aktibidad sa halip na pigilan sa pagdakip sa mga lumalabag sa health protocol at  illegal gambling.

Hiniling din niya sa tauhan ng NBI na magpakita ng mission order ngunit  walang naipakita.

Handa rin niyang sagutin kapag sinampahan sila ng kaso.

Ayon kay POSD Chief Mallillin, daan-daan na ang kanilang nahuling lumabag sa mga health protocol at illegal gambling.

Ang Cauayan City Police Station aniya ang nagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga nahuhuli.

Ang pahayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin