--Ads--

Kinondena ni City of Ilagan Mayor Jose Marie Diaz ang nangyaring pagbaril-patay kay Punong Barangay Avelino Quitola ng Cabisera 27, City of Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jose Marie Diaz, sinabi niya na ikinalulungkot nila ang sinapit ni Punong Barangay Quitola na aniya’y isang mabait at magaling na lider.

Aniya, malabong may kaugnayan sa politika ang nangyaring pamamaril dahil tahimik umano ang Lungsod ng Ilagan pagdating sa politika ngunit ipinapaubaya na nila ang imbestigasyon sa mga Kapulisan.

Dahil sa magkakasunod na krimen na naitala sa Lungsod ay nakatakda niyang pulungin ang mga opiyales ng bawat Barangay upang pag-usapan ang paghihigpit sa seguridad.

--Ads--

Isa sa mga nais ipatupad ng Alkalde ay ang pagkakaroon ng checkpoint sa bawat boundary ng Barangay upang matukoy kung mayroong mga bagong mukha na pumapasok sa kanilang lugar.

Samantala, nagpaabot naman na ng tulong ang Pamahalaang Lokal ng Ilagan City sa pamilya ni Punong Barangay Avelino.

Tiniyak naman ni Mayor Diaz na hindi sila titigil hangga’t hindi narersolba ang naturang krimen.