--Ads--

Inihayag ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ng Cauayan City, Isabela na nakatanggap na sila ng sagot mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng gumuhong flood control project sa bahagi ng Barangay Alicaocao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Dy na agad siyang nagpatawag ng emergency meeting matapos matanggap ang ulat tungkol sa pagkasira ng nasabing proyekto. Agad din siyang nagsumite ng sulat sa DPWH upang ipanawagan ang mabilis na imbestigasyon at aksyon sa insidente.

Ayon sa alkalde, madalas sa kanilang pamahalaang panlungsod na ibinabato ang sisi sa tuwing may mga palpak na proyekto sa lungsod, kahit na hindi naman ito sakop o pinondohan ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa niya, matagal na nilang iniulat sa DPWH ang naturang proyekto upang imbestigahan at pagpaliwanagin ang contractor na responsable sa konstruksyon. Aniya, kahit hindi pa natatapos ang konstruksyon, ay gumuho na ang bahagi ng flood control structure, na siyang ikinabahala ng pamahalaang lungsod.

--Ads--

Nanawagan si Mayor Dy sa DPWH na suriing mabuti ang kalidad ng trabaho at mga materyales na ginamit, lalo na ang mga bakal at konkretong bahagi, upang matiyak na sumusunod ito sa engineering standards at safety protocols.

Binigyang-diin niya na ang mga proyektong katulad nito ay dapat na maayos ang pagkakagawa, lalo na’t ito ay may direktang epekto sa kaligtasan at kabuhayan ng mga residente sa flood-prone areas ng lungsod.

Sa kabila ng mga isyung kinaharap, sinabi ni Mayor Dy na ikinalulugod niya ang kasalukuyang pagbabago sa sistema ng DPWH, partikular na ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa LGU bago pa man simulan ang isang proyekto.

Ang naturang pagbabago ay bahagi ng malawakang reporma sa loob ng DPWH, bunsod ng mga isyung kinaharap ng ahensiya sa mga nakaraang flood control projects na nauwi sa kontrobersiya.