--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na unti-unting naayos ang mga drainage canal sa lungsod na nagdudulot ng pagbaha sa ilang lugar.

Sa naging pagpapahayag ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi niya na bagamat nagkakaroon ng pagbaha sa ilang lugar sa poblacion ay agad din namang nagsasubside dahil sa mga naunang ginawang drainage canal.

Aniya sa mga nangyaring pagbaha noon pangunahin sa bahagi ng San Fermin ay inaabot ng ilang araw bago mawala ang baha ngunit sa ngayon ay oras na lamang ang itinatagal ng tubig bago magsubside.

Ilan sa mga may inisyal nang may drainage system ang Brgy. San Fermin, Turayong, Alicaocao at Cabaruan.

--Ads--

Nakontak na rin aniya nila ang contractor na kasalukuyang gumagawa ng drainage system sa Turayong para matapos na ito sa madaling panahon.

Humingi naman ng pasensya at pag-intindi ang punong lungsod sa hindi mabilisang pagsasaayos ng mga drainage system dahil sa hindi sapat na pondo.

Kailangan din kasi aniyang pag-aralan kung saan gagawin ang kanal at kung saan mapupunta ang tubig kapag nagkaroon ng baha.

Kung hindi aniya mapag-aralan ang mga ito ay pwedeng ang mga dating hindi naman nababahang lugar ang pupuntahan ng tubig.

Iginiit ni Mayor Dy na maraming natural waterways ang natakpan na dahil sa mga ipinatayong gusali at hindi napag-aralan ang drainage system.

Tiniyak naman niya ang pakikipag-ugnayan sa City Engineering Office upang mabilis na maayos ang mga drainage system na nagdudulot ng pagbaha.