
CAUAYAN CITY – Nalulungkot si Mayor Joseph Llopis ng Calayan Island na may mga taong nahuli sa kanilang lugar dahil sa pagtatanim ng Marijuana.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Llopis na inireport sa kanya ng hepe ng pulisya ng Calayan ang pagkasamsam ng sampung puno ng marijuana na itinanim sa bakuran ng mga nahuli.
Ang mga suspek na sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ay sina Erizald Rosales at Rodrigo Linsangan Jr., kapwa residente ng Babuyan Claro.
Ayon kay Mayor Llopis, nagsagawa ng operasyon ang Calayan Police Station matapos matanggap ang impormasyon hinggil sa mga nakatanim na Marijuana na nagkakahalaga ng 360,000 pesos.
Sinabi ng mga suspek na ibinigay sa kanila ang buto ng Marijuana na kanilang itinanim.
Binigyang-diin ng punongbayan na hindi excuse na hindi alam ang batas. May masama silang hangarin aniya sa pagtatanim at pagpapalago sa mga Marihuana.
Ayon pa kay Mayor Llopis, naideklara nang drug cleared ang Calayan Island kaya puspusan ang kanilang kampanya.
Humingi na rin siya noon ng tulong sa Philippine Coast Guard o PCG para mamonitor ang kanilang baybaying-dagat.
Noong 1998 ay may shabu na natagpuan sa karagatang sakop ng Calayan kaya puspusan ang kanilang kampanya sa illegal na droga.
Ang kalagayan ng peace and order sa isla ang isa sa mga dahilan ng pagtakbo niya sa pagka-mayor.
Tiwala si Mayor Llopis na hindi makakaapekto ang pagkadeklara na ng Calayan na drug cleared ang pagkasamsam ng mga tanim na Marihuana dahil hindi ibang unit ang nakalutas nito kundi mismong pulisya sa bayan ng Calayan.










