--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang lady mayor ng Nagtipunan, Quirino na may bahid-pulitika ang kasong graft na isinampa laban sa kanya sa Tanggapan ng Ombudsman ng isang barangay Kagawad ng Sangbay, Nagtipunan.

Tugon niya ito sa mga paratang sa kanya ni Barangay Kagawad Beltran Almendral ng Sangbay kaugnay ng uutanging pondo ng pamahalaang lokal ng Nagtipunan, Quirino para sa pagpapaunlad sa industriya ng turismo sa kanilang bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay barangay kagawad Beltran Almendral ng Sangbay, Nagtipunan, Quirino, sinabi niya na nag-ugat ang kanyang reklamo sa Ombudsman sa unliquidated cash advances na 74 million pesos ng kasalukuyang administrasyon ni Mayor Nieverose Meneses at sa kanyang ama na pinalitan niya sa puwesto.

Inihain niya ito noong Nobyembre, 2020 at sinagot naman ng Tanggapan ng Ombudsman noong Enero 2021.

--Ads--

Ayon kay Almendral, naging bahagi siya ng pamahalaang bayan ng Nagtipunan noong 1992 hanggang 1998 bilang chairman ng Sangguniang Kabataan ng Dipantan, Nagtipunan, Quirino.

Bumalik siya noong 2013 at nakita niya ang mga naging problema sa kanilang bayan.

Sa 19 na taon aniya na panunungkulan ni Mayor Meneses at kanyang ama ay nakukulangan siya sa pag-unlad ng kanilang bayan dahil naging prayoridad nila ang turismo.

Hindi gaanong pinagtuunan ng pansin ang mga basic needs ng mga tao tulad ng pagkakaroon ng ospital at palengke sa kanilang bayan.

Kaugnay sa cash advance na 74 million pesos ay nakita niya noong 2018 at noong 2020 lamang siya naghain ng reklamo dahil nangalap pa siya ng mga ebidensya.

Nagpapatuloy aniya ang liquidation dito ng pamahalaang lokal kaya maaring nabawasan na ito ngayon.

Ang pahayag ni Barangay Kagawad Beltran Almendral.

Sinabi pa ni barangay kagawad Almendral na isa rin sa tinututulan niya ay ang uutangin sa isang bangko ng pamahalaang lokal na 763 million pesos.

Nagpatibay aniya ng resolusyon ang Sangguniang Bayan para rito kaya hindi na siya humingi ng tulong sa kanila dahil naniniwala siyang kakampi sila ng kanilang mayor.

Dahil dito, nangangalap siya ng pirma ng mga tao para sa Temporary Restraining Order (TRO) dahil ito lamang ang makakapigil sa isang bangko na magpautang.

Dagdag niya na hindi sinabi kung saan ilalaan ang  naturang loan maliban sa pagsasabing ilalaan ito sa pagpapaunlad sa turismo pangunahin na sa Landingan Viewpoint.

Isa pang rason kung bakit niya ito tinututulan ay babayaran ang uutangin sa loob ng 20 taon kaya siguradong ang magbabayad na nito ay ang administrasyon ng mga susunod na mayor.

Ang pahayag ni Barangay Kagawad Beltran Almendral

Ayon kay Almendarl, unang umutang noong 2011 ang pamahalaang lokal ng Nagtipunan na 94 million pesos at kanya ring tinutulan ngunit wala siyang nagawa.

Ang tanong niya ay kung saan napunta ang naturang pera na noong nakaraang taon lamang nabayaran.

Binigyang diin ni Almendral na ang kanyang hakbang ay walang halong pulitika dahil wala siyang balak na tumakbo sa mas mataas na puwesto sa 2022 elections.

Samantala, mariing pinabulaanan ni Mayor Nieverose Meneses ang mga ipinupukol sa kanyang isyu.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Meneses, sinabi niya na kasinungalingan ang nilalaman ng manifestong ipinapapirma sa mga tao sa kanilang bayan kontra sa pag-utang ng LGU Nagtipunan.

Ayon sa Lady Mayor, ang loan ay pinag-aralan, nagbigay ang Department of Local Government Finance ng capacity to loan, pinag-aralan ng Landbank of the Philippines, pumasa sa Monetary Board at naaprubahan sa Municipal Development Council ang resolution na binibigyan siya ng karapatan na ipasa ito sa Sangguniang Bayan.

Pinasinungalingan din niya ang sinabi ng barangay kagawad na hindi naintindihan ng mga barangay kapitan ng Nagtipunan ang pinapirmahan niya sa kanila tungkol sa naturang loan.

Sinabi niya na naipaliwanag ito nang maayos kaya lahat ay sumang-ayon at mayroon din itong record kaya puwedeng dinggin ng nagrereklamo.

Ayon pa kay Mayor Meneses, nagpasya siya na lalo pang pagandahin ang turismo sa kanilang bayan dahil kung ang agrikultura lamang ang pagtutuunan nila ng pansin ay mapag-iiwanan ang turismo ng Nagtipunan, Quirino.

Napapanahon aniya ito ngayon para matulungan ang kanyang kababayan lalo na at nakakaranas ng pandemya ang buong mundo.

Kaugnay naman sa sinasabing hindi pa settled ang lupa kung saan matatagpuan ang Landingan Viewpoint ay hindi totoo dahil nagkaroon na ng Memorandum of Agreement (MOA) tungkol dito.

Ang pahayag ni Mayor Nieverose Meneses.

Inamin ni Mayor Meneses na nagkaroon siya ng mga cash advances pero ito ay sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

Gayunman, patuloy ang ginagawang liquidation ng kanyang mga kasama at pinadalhan na rin siya ng memorandum ng Commission on Audit (COA) tungkol dito.

Ayon kay Mayor Meneses, hindi niya alam na nagsampa si Barangay Kagawad Almendral ng kaso sa Tanggapan ng Ombudsman na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa kanya.

Dahil dito, tiwala siya na pamumulitika lamang ang ginagawa sa kanya kahit pa sinabi ni Barangay Kagawad Almendral na wala siyang balak na tumakbo sa anumang posisyon sa susunod na halalan.

Binigyang-diin ni Mayor Meneses na ang mga ibinabato sa kanyang mga issue ay magsisilbing hamon para lumaban, hindi para sa kanyang sarili kundi para sa taumbayan na umaasa sa pamahalaang lokal.

Ang pahayag ni Mayor Nieverose Meneses.