--Ads--

Nagdesisyon si Capas, Tarlac Mayor Roseller “Boots” Rodriguez na alisin ang P8 Million confidential fund ng kanyang opisina para sa taong 2026 matapos mainspire  mula kay dating Bise Presidente at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo.

Ayon kay Rodriguez, napanood niya sa balita si Robredo na boluntaryong inalis ang confidential fund bilang alkalde ng Naga City dahilan upang maisip niya na maaari pala itong gawin.

Ginawa ng alkalde ang anunsyo sa inaugural session ng Sangguniang Bayan ng Capas noong Hulyo 8 kung saan ipinahayag niya sa mga opisyal ng bayan, empleyado ng munisipyo, at mga kapitan ng barangay na kanyang inatasan ang local finance committee na alisin na sa taunang budget ang nasabing pondo na agad namang sinalubong ng palakpakan.

Mula pa noong una niyang termino noong 2022 may nakalaang P8 milyon kada taon ang kanyang opisina bilang confidential fund na pangunahing ginagamit para suportahan ang mga kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga.

--Ads--

Gayunman inamin ng alkalde na hindi naging epektibo ang kanilang kampanya kontra droga.

Ayon pa sa kanya na kahit mahuli lahat ng drug pushers sa kanilang bayan ay may mga galing pa rin sa karatig-bayan na nagpapatuloy sa ilegal na gawain at dahil ito ay hindi sabay-sabay o sentralisadong operasyon kung kayat ang mga kriminal at drug pushers ay palipat-lipat lang ng lugar.

Nakita rin umano niya ang pagkakapareho ng layunin ng confidential fund at ng Peace and Order and Public Safety Plan (POPS) na pinopondohan din ng lokal na pamahalaan.

Nilinaw ng alkalde na ang kanyang desisyon ay hindi upang magtakda ng pamantayan o upang iparamdam ang presyon sa iba pang lokal na opisyal.

Makakabuti umanong ilaan na lamang ang pondo sa mga benepisyaryong mas nangangailangan.

Dagdag pa niya, nais nilang dagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo ng social pension mula 2,327 ngayong taon tungo sa target na 5,000 sa susunod na taon.

Kailangan din umano ng karagdagang pondo para sa school supplies ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Si Mayor Rodriguez ay isang abogado at nagtapos sa University of the East.

Nagsilbi siya bilang bise alkalde ng Capas sa loob ng tatlong termino bago mahalal bilang alkalde noong 202 at nakaplanong manatili sa puwesto hanggang 2028.