
CAUAYAN CITY – Inireklamo ni Gamu Incumbent Mayor at Vice Mayoralty Candidate Nestor Uy ang ilang kasapi ng Gamu Police Station dahil sa pagtanggap umano ng payola sa kalaban nilang partido.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Uy na sa mga nagdaang araw ay may mga natanggap siyang report na pagtanggap ng bayad ng ilang kasapi ng PNP Gamu pero hindi niya pinapansin.
Gayunman, kahapon ay may mga natanggap siyang report na nagpapatunay sa naturang alleged report na may kinikilingan ang PNP sa kanilang bayan.
Batay sa mga natanggap niyang report, hundred of thousand ang kanilang tinanggap kaya hindi niya pinalagpas at nagtungo siya sa himpilan ng PNP Gamu para magreklamo.
Sinabihan naman siya na magtungo sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) para doon magpablotter.
Inamin naman niya na sumugod siya sa PNP Gamu kagabi at gusto niya silang kausapin at medyo nagwala na rin siya.
Dahil dito, kahapon ay nagtungo na sa kanilang bayan si Pronvincial Director Julio Go.
Samantala, pinabulaanan ng IPPO ang paratang ni Mayor Nestor Uy ng Gamu, Isabela na tumatanggap ng poyala ang mga pulis sa naturang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Amy Dela Cruz, information officer ng IPPO na walang tinatanggap na payola ang PNP Gamu mula sa kalaban ni Incumbent Mayor Nestor Uy.
Kung mapapatunayan anIyang may nagaganap na payola sa naturang bayan ay handa silang siyasatin ang naturang pangyayari at tiniyak niyang magiging patas sila.
Kagabi ay nagtungo si Provincial Director Julio Go ng IPPO sa bayan ng Gamu at nakipag-usap kay Mayor Uy kaugnay sa naturang pangyayari.
Kanya aniyang tiniyak na sisiyasatin ang naturang pangyayari at susuriin ang mga ebidensiya at testigo sa umano’y pagbibigay ng Payola sa Gamu Police Station.
Maari naman aniyang magsampa ng kaso si Mayor Uy laban sa mga pulis na pinaparatangang tumatanggap ng payola.
Nakahanda naman ang kapulisan na sumailalim sa imbestigasyon ngunit tinitiyak nilang magiging apolitical ang mga pulis.
Isasangguni rin nila sa kanilang legal department kung ano ang mga kakaharaping kaso kapag napatunayang may nagaganap na payola sa pulisya ng naturang bayan.










