--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanindigan ang mayor ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa panawagan na huwag nang i-renew ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng Australian-Canadian mining company na OceanaGold Philippines Incorporated.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Romeo Tayaban ng Kasibu, sinabi niya na gusto na nilang matapos ang operasyon ng mining company sa kanilang bayan dahil nasisira na ang kanilang kapaligiran.

Aniya, bukod sa pagkasira ng kanilang kapaligiran ay marami na sa kanyang kababayan ang nasaktan at nawalan ng kabuhayan.

Inihayag niya na may namatay na sa kanilang bayan dahil tumaas ang blood pressure nang gibain ang kanilang bahay na wala namang court order.

--Ads--

May mga bukid na ring hindi napapakinabangan dahil wala nang tubig na umaagos sa mga ito.

Sinabi ni Mayor Tayaban na matagal na siyang naninilbihan sa Kasibu at nasaksihan niya kung paano nasisira ang kalikasan sa kanilang lugar.

Inamin niya na marami na ring naitulong ang kompanya sa kanilang bayan subalit hindi na katanggap-tanggap ang pagkasira ng kalikasan.

Ayon pa kay Mayor Tayaban, marami ring pangako ang OceanaGold na hindi pa natutupad.

May mga inumpisahan silang proyekto na ipinangako nila noong nagsisimula sila subalit hanggang ngayon ay hindi pa natatapos.

Natatakot sila na kapag nagkaroon ng lindol ay maraming bahay ang guguho sa kanilang lugar.

Umaasa si Mayor Tayaban at ng kanyang mga nasasakupan na pakinggan ng pamahalaan ang kanilang hiling na huwag nang i-renew ang FTAA ng mining company.

Ang tinig ni Mayor Romeo Tayaban