Nagbigay na ng paglilinaw si Reina Mercedes Mayor Malou Respicio-Saguban kaugnay sa paratang ng katiwalian laban sa kanya ni Vice Mayor Harold Respicio, hinggil sa isang ordinansa na umano’y hindi dumaan sa tamang proseso.
Sa kanyang pahayag, binigyang-linaw ni Mayor Saguban at biniigyang-diin na ang kinukwestiyong ordinansa ay legal at dumaan sa tamang proseso.
Ayon sa alkalde, ang Local Budget Law No. 91, na ipinatupad noong Agosto 29, 1994, ang naging batayan ng Municipal Development Council (MDC) sa pagrerekomenda ng mga programa at proyektong pagkakagastusan ng natanggap na pondo ng Reina Mercedes mula sa tobacco excise tax noong 2022.
Aniya, ang MDC ay binubuo ng iba’t ibang sektor na siyang nag-aadopt ng investment plan na irerekomenda sa Sangguniang Bayan, kabilang na ang ilang priority projects.
Nakasaad aniya sa Local Budget Law No. 91 na ang Local Chief Executive (LCE) at iba pang lokal na opisyal ang may tungkuling tiyakin na ang Local Development Council ay maayos na maipapatupad ang mga programa at proyektong naaayon sa mga alituntunin.
Nakapaloob din sa batas na ang beneficiary LGU ay inaatasang maglaan ng 25% ng kabuuang bahagi nito para sa cooperative programs, livelihood projects, at financial support sa mga tobacco farmers.
Aniya, malinaw na nakasaad na 25% lamang, at hindi ang buong excise tax ng Bayan ng Reina Mercedes, ang dapat mapunta sa mga magsasaka ng tabako. Ito ay upang mabalanse ang long-term at short-term investments.
Kabilang sa long-term investments ang mga eskwelahan, at sa katunayan, ayon kay Mayor Saguban, ang katas ng tobacco excise tax ay makikita sa 20 barangay ng naturang bayan, kabilang na ang munisipyo.
Nilinaw din niya na ang tobacco excise tax ng isang munisipyo ay bumababa bilang development fund.
Dagdag pa ng alkalde, bukas ang kanyang opisina para sa sinumang nais makita ang mga supporting documents at mga paliwanag hinggil sa naturang usapin.











