CAUAYAN CITY – Sinagot ni Mayor Ton Ton Uy ng Cabatuan, Isabela ang di umano’y hinahati-hati na Social Amelioration Assistance sa kanyang nasasakupan.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Ton Ton Uy, nilinaw niya na ang kanyang sinabi noon na kung puwede ay mabigyan ang bawat isa o di kaya ay mahati na lamang ang nasabing ayuda para lahat ay makatanggap ay sarili lamang niyang opinyon.
Dagdag niya na nang sinabi niya ito ay wala pang naibabang guidelines ang DSWD tungkol sa Social Amelioration Program (SAP).
Ayon sa punong bayan, nang maibaba na ang guidelines sa kanilang bayan ay pinulong niya ang mga opisyal ng barangay at sinabing walang sino mang puwedeng makialam sa programang ito dahil ito ang utos ng pangulo.
Pinulong din aniya ng mga kawani ng kanilang MSWDO ang mga ito at ipinaliwanag ang guidelines ng SAP.
Ayon pa kay Mayor Ton Ton Uy, nang magsimula silang mamahagi ng ayuda ay nagtungo mismo sa kanilang bayan si Assistant Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 para tignan kung totoong may nangyayaring hatian ng pamamahagi ng ayuda sa kanilang bayan.
Aniya, nasaksihan ng Assistant Regional Director na hindi totoo ang nasabing usapin dahil may mga kuha pang larawan na buong nakuha ng mga benepisaryo ang kanilang ayuda.
Gayunman, kung sa barangay man aniya nagkaroon ng hatian pagkatapos na makuha ng mga benepisaryo ang kanilang ayuda ay paiimbestigahan niya ito sa mga pulis at hindi niya palalagpasin ang sino mang mapapatunayan na naghati sa ayuda.
Aniya, wala siyang iniutos na ito ay hatiin dahil alam naman niyang hindi ito puwedeng gawin.
Nakiusap din ang punong bayan sa kanyang mga kababayan na kung mayroon silang katanungan ay direkta silang magtanong sa kanya para ito ay kanyang masagot.
Sinabi pa ni Mayor Ton Ton Uy na 7,282 ang naibigay na slot sa kanila at may pondong halos apatnapong milyon.
Samantala, tiniyak ng punong bayan na hindi niya hahayaang may magutom sa kanyang mga kababayan habang may umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Aniya, kinausap na niya ang mga Department head sa kanilang bayan para siguraduhing linggo-linggo silang nagrerepack ng mga relief goods at nang may maibigay sila kada linggo sa bawat pamilya sa kanilang bayan.
Dagdag pa niya na dalawang beses na silang nagbigay ng relief goods at nakatakda na ulit silang mamahagi para sa third wave.
Nakiusap naman siya sa mga opisyal ng barangay na kung ano ang kanilang nirepack ay huwag na sanang mabawasan para matanggap lahat ng mga mamamayan ang kanilang relief goods.
Aniya, hindi ito ang panahon para mag-utakan kundi dapat magtulungan.
Ayon pa kay Mayor Ton Ton Uy, kung mapalawig ulit ang ECQ ay pabor ito sa karamihan dahil siguradong makakaiwas sila sa sakit.
Tiniyak naman nito na kung mapalawig man ang ECQ ay nakahanda pa rin ang kanilang lokal na pamahalaan para tumulong sa mga apektado nilang kababayan.











