Karamihan ng mga Pinoy ay nagalit sa nabunyag na maanomalyang flood control projects sa bansa at nagpahayag ng pagsuporta sa imbestigasyong isinasagawa dito ng pamahalaan.
Sa resulta ng Tugon ng Masa survey na inilabas ng OCTA Research kahapon, 60% ng mga Pinoy ang nakakaramdam ng pagkagalit, tuwing naiisip ang korapsyon sa pamahalaan, partikular na ang flood control projects habang 30% ang nagsabing nakaramdam sila ng takot at pagkabalisa dahil sa isyu, habang 9% naman ang nakaramdam ng pagkadismaya o kalungkutan.
Ayon sa survey, ang pagkagalit ang laganap na damdamin na naitala sa lahat ng rehiyon, maging sa socioeconomic class, at age groups.
Nadiskubre rin sa survey na ang pagkagalit sa korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan, ang emosyong mas makikita sa mga kabataang Pinoy, partikular na ang mga Gen Z at millennials.
Samantala, sinabi rin ng OCTA na 83% ang nagpahayag ng pagsuporta sa desisyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ilantad ang korapsyon dahil ito ay mahalagang hakbang anila upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Ang pinakamataas na porsiyento ng suporta ay mula sa National Capital Region (NCR), 91% na sinundan ng Balance Luzon, 90%.
Sa kabilang dako, isa naman sa dalawang respondents o 46% ang naniniwala na ang isang independiyenteng komisyon, gaya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang pinakaakmang manguna sa imbestigasyon.
Ang Tugon ng Masa survey, ay isinagawa mula Setyembre 25-30, na nilahukan ng 1,200 adult Pinoy na isinailalim sa face-to-face interviews.











