--Ads--

Nakapag-preposition na ng mga Family Food Packs ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ng Palanan para sa mga mangingisda bilang paghahanda sa paparating na bagyong Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant DRRM Officer John Bert Neri, sinabi niya na mula kahapon ay nakapagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting at nakapag-preposition na rin sila ng Family Food Packs para sa mga mangingisda, lalo na sa mga coastal barangay ng Palanan.

Sa kasalukuyan, umiiral ang “no sail policy” sa lahat ng mga baybaying-dagat upang maiwasan ang anumang casualty sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Binabantayan nila ngayon ang apat na coastal barangay, maliban pa sa mga flood-prone areas sa poblacion area. Wala namang nakikitang banta ng landslide o pagguho ng lupa sa naturang lugar.

--Ads--

Samantala, dalawang mangingisda mula sa Dingalan, Aurora ang napadpad sa Barangay Maligaya, Palanan, Isabela noong nakaraang Linggo habang nanalasa ang Bagyong Mirasol. Ligtas at nasa maayos silang kalagayan.

Sa ngayon, nagsasagawa ng search operation ang Philippine Coast Guard upang mahanap ang bangka ng dalawang mangingisda.

Batay sa salaysay ng isa sa mga biktima, dalawang araw silang nagpalutang-lutang sa karagatan bago sila makita at masagip.