
CAUAYAN CITY – Apektado ang Meat inspection operation ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2 dahil sa mga ipinatutupad na restrictions bunsod ng pandemya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Technical Director Ronnie Ernst Duque ng NMIS Region 2 na medyo hirap silang gumalaw ngayon bunsod ng pandemya dahil kailangan din nilang mag-ingat para hindi mahawa ng COVID-19.
Gayunman ay tiniyak niya na patuloy ang pagsasagawa nila ng inspeksyon gaya na lamang sa mga accredited slaughter houses.
Patuloy din ang monitoring nila sa mga pumapasok na karne sa kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, quarantine checkpoints at meat inspectors.

Noong nakaraang buwan ay may mga nakumpiska silang hot meat sa Isabela at sa lunsod ng Tuguegarao kung saan umabot sa 15 boxes na imported na karne ang kanilang nakumpiska at naibaon na rin sa lupa.
Ayon kay Duque, ikinukunsiderang hot meat ang karne kapag walang kaukulang dokumento kahit pa ito ay fresh o imported.
Pinayuhan niya ang mga nagtitinda ng karne na siguraduhing may kaukulang dokumento ang kanilang itinitinda para hindi sila mahuli at magmulta.
Aniya, sa unang paglabag ay kukumpiskahin ang kanilang paninda at may multang P50,000, sa pangalawang paglabag naman ay kukumpiskahin din ang kanilang paninda at aabot sa P100,000 ang kanilang multa habang sa pangatlong paglabag ay P300,000-P500,000 ang multa at posible pang makulong ng hanggang 12 taon.
Hinimok naman niya ang publiko na kapag may nakitang karne na expired na ay makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan.
Payo rin niya sa mga mamimili na maging mapanuri sa mga binibili nilang karne.










