--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinangamgambahan ng mga meat vendor sa Lungsod ng Cauayan ang muling pagkakatala ng panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Lalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jimmy Barcelo, meat vendor, sinabi niya na bagama’t nangangamba ay kumpiyansa naman sila na  ligtas sa ASF ang kanilang mga paninda dahil malayo naman ang Cauayan City mga lugar na apektado.

Aniya, dito lamang din sila sa Lungsod ng Cauayan kumukuha ng mga itinitinda nilang karne ng baboy at dumadaan muna sa pagsusuri ang mga ito bago katayin.

Nangangamba naman sila na baka mas lalong tumumal ang bentahan dahil naaalarma ang mga mamimili sa kaso positibong kaso ng ASF na naitala sa bayan ng Angadanan.

--Ads--

Sa ngayon ay marami naman umano ang mga piggery at hog raiser na kanilang napagkukuhanan ng kanilang kakatayin kaya hindi na nila kinakailangan na bumili  mula sa karatig na mga bayan.

Wala naman aniyang dapat pangambahan ang mga mamimili dahil lahat ng kanilang kinakatay at ibinebenta ay may sertipikasyon kaya ligtas itong kainin.

Aminado naman siya na ramdam na nila ang tumal ng bentahan sa karne ng baboy ngunit ito ay hindi dahil sa virus kundi dahi sa krisis.