--Ads--

CAUAYAN CITY – May hamon ang medal of Valor awardee sa mga kabataan ngayong ginugunita ang araw ng Kagitingan o Day of Valor.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret.Col. Ariel Querubin, medal of Valor awardee at dating opisyal ng Philippine Marine Corps, kanyang inalala ang kanyang naging karanasan noong siya ay nasa serbisyo pa lamang.

Si Ret.Col. Querubin ay isang kilalang opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na naglingkod ng may tapang at dedikasyon sa kanyang paglilingkod sa bayan.

Isinilang siya sa Pangasinan at nagtapos sa Philippine Military Academy noong 1979.

--Ads--

Simula noon ay ipinakita niya ang kanyang tapang at husay sa larangan ng militar.

Isa si Ret.Col. Querubin sa mga pinarangalan ng Medal of Valor dahil sa kanyang kabayanihan at kagitingan sa pakikipaglaban sa bayan.

Ngayong araw ng kagitingan, nagmistulang sariwa pa kay Ret.Col. Querubin ang mga kaganapan noong ideklara ang all out war sa Central Mindanao noong March 16, 2000.

Nakasagupa ng kanyang grupo ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong March 18-19, 2000 nang mag-umpisa na ang bente kwatro oras na bakbakan.

Hinamon ni Ret.Col. Querubin ang mga kabataan na ibalik ang pagiging makabayan dahil lahat ng tao ay kayang maging isang bayani ng kanyang bansa sa magkakaibang pamamaraan hindi lamang sa pagbubuwis ng buhay.

Pinayuhan niya ang mga kabataan na huwag magpakalulong sa paggamit ng computer o anumang gadget at mag-isip ng paraan na makakatulong sa bayan.