--Ads--

Isinagawa sa lungsod ng Ilagan ang Media Accountability Orientation and Press Council Workshop sa pangunguna ng Philippine Press Institute, bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang responsableng pamamahayag sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Villamor Visaya, Focal Person ng Press Council Region 2 at myembro ng Philippine Press Institute, sinabi niyang ang naturang orientation at workshop ay sinuportahan ng embahada ng Kingdom of the Netherlands, na aktibong tumutulong sa mga programang nagtataguyod ng press freedom at media accountability.

Ayon kay Visaya, layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga mamamahayag, lokal na opisyal, at mga stakeholder hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng Press Council sa bawat rehiyon. Tinalakay rin ang pagbuo ng Media Citizen Council na magsisilbing tulay sa pagitan ng publiko at ng media upang mapanatili ang pananagutan at kredibilidad ng mga mamamahayag.

Bukod dito, tinalakay rin sa workshop ang isyu ng decriminalization ng libel, kung saan marami sa mga nasa industriya ng media ang nahaharap sa ganitong kaso. Ibinahagi na mahalagang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga mamamahayag habang pinananatili ang balanse sa pagitan ng malayang pamamahayag at responsableng pag-uulat.

--Ads--

Bahagi rin ng talakayan ang pagpapalakas ng ethical standards sa journalism, tamang paghawak ng impormasyon, at ang papel ng media sa paglaban sa misinformation at disinformation, lalo na sa panahon ng mabilis na pagkalat ng balita sa digital platforms.