CAUAYAN CITY – Umabot na sa 27 ang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19 sa region 2.
Ito ay matapos na kumpirmahin ni Dr. Leticia Cabrera, DOH OIC Director III ang panibagong kaso ng COVID-19 sa Lambak ng Cagayan.
Si PH4805 ay walang kasaysayan ng paglalakbay sa lugar na may positibong kaso ng COVID-19 ngunit nakasalamuha niya si PH3987 na isang 46 anyos na health worker mula sa Santiago City.
Kabilang si PH3987 sa mga health workers na tumulong sa quarantine operation para sa mga OFW’s na sakay ng Diamond Princess cruise ship at sumailalim sila sa 14 days na quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Nakabalik si PH 3987 ng Santiago City noong March 13 at sumailalim sa home quarantine bago bumalik sa tungkulin bilang isang health worker ng SIMC.
Nakaranas ng pamamaga ng lalamunan si PH3987 noong March 31 at nagpakonsulta noong April 6.
Kinuhanan ng specimen sample upang masuri para sa COVID-19 at nagpositibo siya isang araw matapos makuhanan ng sample.
Si PH4805 naman ay 40 anyos na MedTech at residente ng Minante 1, Cauayan City, Isabela.
Siya ay nakaranas ng lagnat at diarrhea at nakuhanan ng specimen sample noong April 12, 2020.
Nagpositibo siya sa COVID-19 dalawang araw matapos siyang masuri.
Si PH4805 ay nasa isolation room ngayon ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Isinasagawa na ang contact tracing para sa lahat ng posibleng nakasalamuha ni PH4805 sa pangunguna ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH, kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lungsod ng Cauayan City.
Sa 27 na nagpsotibo sa COVID 19 sa region 2 ay 20 na ang nagnegatibo sa sakit.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Jose Ildefonso Costales, medical center chief ng SIMC, kinumpirma niya na si PH4805 ay nagtatrabaho sa kanilang ospital at kumukuha ng swab test sa mga pasyente.
Ayon kay Dr. Costales, stable ang kalagayan ni PH4805 sa kanilang isolation room.