--Ads--

CAUAYAN CITY- Kulong ang isang mekaniko matapos umanong saksakin ang kaniyang kainuman sa Barangay Sillawit Cauayan City.

Ang biktima ay si alyas Makmak, 27-anyos, mekaniko at residente ng Brgy. Maligaya, Cauayan City, Isabela habang ang suspek ay kinilala sa alyas na AJ, 24-anyos, automotive mechanic at residente ng Cabisera 3 San Antonio, Ilagan City, Isabela. 

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang grupo ng suspek at biktima ay nag-inuman sa kanilang bunk house at matapos makainom ng ilang bote ng alak ay nagpasya umano ang grupo na  tumuloy sa San Fermin, Cauayan City, partikular sa isang aliwang bar kung saan pumili sila ng isang dancing entertainer at dinala nila ito sa hotel sa Brgy. Sillawit.

Makalipas umano ang ilang oras ay umuwi na umano ang biktima at ang isa pa nilang kasama sa kanilang bunk house, habang ang suspek ay naiwan sa hotel at walang magamit na motorsiklo.

--Ads--

Nagalit umano ang suspek at sinundan ang biktima sa kanilang bunk house na nagresulta sa mainitang pagtatalo, nang bigla umanong kumuha ng kutsilyo ang suspek at kasunod na sinaksak ang biktima.

Nagawa namang makatakbo ang biktima at humingi ng tulong sa kanilang kasamahan.

Sinubukan naman umanong agawin ng isang concern citizen ang kutsilyo ngunit nahulog ito sa sahig.

Kaugnay nito, nagtamo umano ng sugat ang biktima na isinugod ng mga tauhan ng Rescue 922 sa Cauayan City District Hospital at kalaunan ay inilipat sa pribadong hospital para sa agarang medikal na atensyon.

Nagsagawa naman ng follow-up na imbestigasyon ang pulisya na nagresulta sa boluntaryong pagsuko ng suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station.