--Ads--

CAUAYAN CITY – Hati ang reaksiyon at pananaw ng mga kawani ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan sa ipinalabas na Memorandum Circular Number 25 ng malakanyang kaugnay sa pagtanggal o pagpalit sa mga litrato o larawan ng mga appointed at elected officials sa mga tanggapan ng pamahalaan at mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng isang kawani mula sa tanggapan ng Punong Lunsod na hindi na nagpabanggit ng pangalan ang pagtutol sa nasabing memorandum dahil hindi umano ito tama.

Anya maaaring sundin ito ng mga paaralan subalit mahirap umanong gawin sa Local Government Units dahil sa pamamagitan umano ng mga larawan ay dito umano makikilala kung sino ang mga kasalukuyang namumuno pangunahin na ang mga bago sa nabanggit na lugar.

Tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag si City Administrator Jose Pepe Abad ng Cauayan City sa naturang usapin dahil wala pa umanong kautusang natatanggap mula sa DILG kaugnay sa Memorandum Circular Number 25.

--Ads--

Nakahanda naman umanong sumunod ang pamunuan ng Public Order and Safety Division ng pamahalaang lunsod sa nasabing memorandum.

Sinabi pa sa Bombo Radyo Cauayan ni G. Antonio Delmendo, pinuno ng POSD na susundin nila ang isinasaad ng memorandum circular number 25 kapag natanggap na ang kautusan mula sa DILG.