Pormal na nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa isang seremonya na ginanap sa Department of Energy (DOE) Energy Center, Rizal Drive, Bonifacio Global City, Taguig City, ngayong araw, Setyembre 23.
Layon ng kasunduang ito na patatagin ang kanilang ugnayan upang isulong ang transparency, accountability, at mga hakbang laban sa korapsyon sa iba’t ibang proyektong pang-imprastruktura sa buong bansa.
Pinangunahan ni PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang delegasyon ng pulisya at muling tiniyak ang buong suporta ng PNP sa mandato ng ICI, partikular sa pagtutok sa mga iregularidad sa flood control programs at iba pang mahahalagang proyekto.
Kasama rin sa seremonya sina PLTGEN Edgar Alan O. Okubo, Deputy Chief for Operations; PMGEN Robert Alexander A. Morico, CIDG Director; at PBGEN Benigno L. Guzman, PSPG Director.
Ayon sa PNP, ang pakikipagtulungan na ito ay malinaw na pagpapakita ng kanilang dedikasyon sa mabuting pamamahala at sa pagtitiyak na ang mga proyektong imprastruktura ay tunay na pakikinabangan ng mamamayang Pilipino.











