CAUAYAN CITY – Agad na nadakip ang menor de edad na detainee na tumakas mula sa Provincial Jail ng Isabela na nakarating na sa Ilagan City Transport Terminal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Guard 3 Arnuldo Sabio, Acting Assistant Warden ng Isabela Provincial Jail sinabi niya na sinamantala ng menor de edad na detainee ang kadiliman ng gabi upang makatakas sa kulungan sa pamamagitan ng paggamit ng kahoy upang matanggal ang grills ng selda at pagtungo sa likurang bahagi ng kulungan upang tuluyang makatakas.
Nalamang nakatakas ang detainee nang magsisigaw ang kanyang mga kasamahan sa selda
Ayon kay Acting Assistant Warden Sabio, limang araw pa lamang na nananatili ang bata sa kanilang kulungan.
Iginiit niya na regular ang kanilang head count at roving sa mga selda at nasa dalawampung guard ang nakaduty sa mga oras na tumakas ang detainee.
Tiniyak naman niya na papaigtingin nila ang pagbabantay sa piitan upang hindi na maulit pa ang nangyari.
Sa naging panayam naman ng Bombo radyo Cauayan kay Ginoong Sherwin Balloga, hepe ng Public Order and Safety Management Office o POSMO Ilagan, sinabi niya na naipabatid sa kanilang enforcer ang pagtakas ng bata at namataan ito sa Transport Terminal na nagtangkang sumakay upang magtungo sa Naguillian Isabela.
Nagpanggap ang mga enforcer na hindi alam na takas na bilanggo ang bata at nang malapitan ay agad na hinuli katuwang ang mga kasapi ng Provincial Jail.
Nanindigan naman ang pamunuan sa kanilang paghihigpit para sa Health Protocol maging ang pagtulong na rin sa crime prevention sa lungsod.
Kasalukuyan nang inaayos ang nasirang rehas ng kulungan at pansamantala munang hindi gagamitin hanggang may maayos na lugar na maipapatayo para sa mga menor de edad na dinadala sa piitan.










