CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang menor de edad matapos barilin ng sariling tiyuhin sa kanilang bahay sa Binguang, San Pablo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nasa kusina ng kanilang bahay ang biktima nang bigla siyang barilin ng tiyuhin.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa hita ang biktima na agad dinala sa pagamutan habang mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Agad namang naiulat ang insidente sa San Pablo Police station na nagsagawa ng hot pursuit operation kaya nadakip ang suspek.
Natunton ang suspek sa likuran ng kanilang bahay habang narekober ang baril na ginamit sa pamamaril sa loob ng kanyang bahay.
Nasa kustodiya na ng San Pablo Police station ang supsek na mahaharap sa kasong attempted homicide.