--Ads--

Agad na nagsagawa ng inspeksyon ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Municipal Health Office (MHO) sa ilang poultry farm sa Echague, Isabela matapos makatanggap ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga residente tungkol sa labis na dami ng langaw at masangsang na amoy na nagdudulot ng banta sa kalusugan at kalinisan ng kapaligiran.

Bunga ng pagsusuri, pitong poultry farm ang pansamantalang pinatigil ang operasyon dahil lumabag sa mga umiiral na batas at lokal na ordinansa hinggil sa kalusugan at pangangalaga ng kapaligiran.

Ang hakbang na ito ay sinundan ng pagdeklara ng State of Public Health Emergency sa bayan upang mas matutukan ang kaligtasan ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Robert Agron ng Brgy. Sta. Maria, matagal na nilang nararanasan ang hindi maayos na pamamahala ng isang poultry farm sa kanilang lugar.

--Ads--

Lalo pang lumala ang sitwasyon nitong Disyembre dahil sa sabayang harvesting ng mga alagang manok sa kapaskuhan at bagong taon, na nagdulot ng perwisyo sa pagkain, kalusugan, at pang-araw-araw na buhay ng mga residente.

Dagdag pa ni Agron, hindi naging epektibo ang ginamit na pestisidyo ng pamunuan ng farm upang mapuksa ang mga langaw.

Hindi rin malinis ang pasilidad kaya talagang pamumugaran ito ng mga langaw na ayon sa pamunuan ng farm, mabagal ang operasyon ng kanilang kinontrata para sa paglilinis.

Ayon naman sa isa sa mga apektadong residente na si Ginang Maribel Medina, nakaperwisyo talaga sa kanila ang dami ng langaw, lalo na sa kanilang kalusugan.

Sinabi rin niya na sa panahon ng pasko at bagong taon, hindi nila ganap na na-enjoy ang kanilang handa dahil kailangan pang bantayan at takpan ito mula sa mga langaw.

Bagamat hindi nagbigay ng pahayag sa media ang MENRO at MHO, tiniyak ng lokal na pamahalaan na mas prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan kaysa sa negosyo.

Umaasa ang pamahalaang bayan na sa pamamagitan ng isinagawang inspeksyon at pagtukoy sa mga problema sa operasyon ng poultry farms, maitatama na ang pamamahala ng mga ito upang hindi na makaperwisyo sa mga residente sa hinaharap.