CAUAYAN CITY – Pinapangunahan ng Department of Health region 2 ang dalawang araw na mental health summit sa Santiago City
Ang mental health summit ay may temang “katatagan sa nagbabagong mundo, kabataan usap tayo “
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH Region 2 na ang mental health summit ay dinadaluhan ng mga mag-aaral at mga guro sa ikalawang rehiyon kabilang na ang mga NGO, mga kawani ng mga pagamutan at Local government units.
Ayon kay Dr. Magpantay, hindi masyadong napagtutuunan ng pansin ang mental health kaya’t layunin nitong mapalaganap ang adbokasiya na ang problemang kaisipan ay dapat ding pagtuunan ng pansin.
Inihayag pa ni Regional Director Magpantay na kapag ang isang tao ay mayroong problemang kaisipan ay makakaapekto sa mga pang-araw araw na gawain o trabaho dahil maraming gumugulo sa isipan.
Dahil dito nais ng DOH region 2 na ipalaganap sa mga kabataan, mga guro, mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor na kailangang magkaroon ng programang magtataguyod at magbibigay atensiyon sa problemang pangkaisipan.
Nilinaw pa ni Regional Director Magpantay ng DOH region 2 na kinakailangan ang commitment at pangmatagalang paggamot sa mga may suliranin sa pag-iisip