
CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Ramon Police Station sa pagbaril at pagpatay kagabi sa isang merchandiser sa NIA Road, Ambatali, Ramon, Isabela.
Ang biktima ay si Oliver Duldulao, 36 anyos at residente ng Sta. Maria, Alfonso Lista, Ifugao.
Sakay siya ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang daan sa barangay Ambatali nang pagbabarilin ng riding-in-tandem criminal dakong alas siyete kagabi.
Nagtamo ng tama ng bala ng Caliber 45 sa kanyang likod at braso ni Duldulao na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Noli Cipriano, hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na nakauwi na sa kanilang bahay si Duldulao sa Sta. Maria, Alfonso Lista, Ifugao bago mag-alas singko ng hapon ngunit lumabas ulit at nagtungo sa bayan ng Ramon, Isabela nang may tumawag sa kanya.
Ayon kay PLt Cipriano, magsasagawa sila ng follow-up investigation para malaman nila ang motibo sa pagpatay sa biktima.
Nawawala ang cellphone ni Duldulao na makakatulong sana sa imbestigasyon ng pulisya.
Sinabi pa ni PLt. Cipriano na nakausap niya kagabi ang misis ni Duldulao at may mga nabanggit na impormasyon na gagawin nilang lead o gabay sa pagsisiyasat sa pagpatay sa kanyang asawa.




