CAUAYAN CITY – Tiwala si Congressman Rodito Albano ng 1st district ng Isabela na maipapasa sa Kamara ang death penalty bill sa 3rd at final reading bago magbakasyon ang mga mambabatas para sa Mahal na Araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Cong. Albano na malabong mangyari ang kagustuhan ng mga kongresista tutol na magkaroon ng nominal voting.
Iginiit niya na magpapatagal lamang ang nominal voting at hindi naman nito mababaliktad ang desisyon ng mayorya na sang-ayon sa death penalty.
Sinabi pa ng mambabatas na nagpapa-pogi lang umano ang mga kontra sa panukala dahil maging sila ay hindi naniniwala sa kanilang mga sinasabi.
Sa 280 aniya na kongresista ay 30 lamang ang tutol sa panukalang batas.
Kung bibigyan sila ng tig-iisang oras na pagpapaliwanag ng 30 na mambabatas sa kanilang boto ay aabutin ng 3 linggo sa oras ng kamara.
Kinumpirma rin ng kongresista na sang-ayon ang anim na mababatas sa lalawigan ng Isabela kaugnay sa panunumbalik ng parusang kamatayan sa bansa.