--Ads--

CAUAYAN CITY – Kabuuang 236 na baboy na ang naisailalim sa culling ng pamahalaang lokal ng Roxas, Isabela mula sa dalawang malalaking barangay na nasasakupan nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Totep Calderon, sinabi niya na patuloy ang kanilang closed monitoring sa Barangay Bantug at San Antonio dahil sa dami ng baboy na isinailalim sa culling.

Aniya, kabuuang 185 na baboy ang nakuha nila sa Barangay Bantug habang 51 na baboy naman sa Barangay San Antonio.

Sa kabila naman ng banta ng African Swine Fever (ASF) ay wala pa ring nakikitang epekto sa supply ng baboy sa mga apektadong barangay kung saan isinagawa ang culling ng pamahalaang lokal dahil pawang mga maliit na backyard hog raisers lamang ang naitala nilang naapektuhan at hindi malalaking piggery.

--Ads--

Sa ngayon ay kailangan nilang ma-clear muna ang dalawang barangay bago muling pahintulutan ng Pamahalaang lokal ng Roxas ang mga backyard hog raisers na makapag-alagang muli ng baboy.

Nangako naman ng P2,500 na bayad pinsala sa bawat baboy ang pamahalaang lokal ng Roxas bilang counterpart sa P5,000 na ayuda para sa mga backyard hog raisers na naapektuhan ng culling maliban dito ay mababayaran ng P1,000 ang bawat isang biik na nadamay sa culling.

Ayon pa kay Mayor Calderon maliban sa bayad pinsala ay mamamahagi rin sila ng mga biik kapalit ng mga na cull na baboy oras na maideklara ng ASF free ang lalawigan.

Tinig ni Mayor Totep Calderon ng Roxas, Isabela.