Nagsimula na ang in-house training ng 438 na atleta sa lungsod ng Cauayan upang paghandaan ang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) 2025.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Norman Tolentino, Sports Division Officer, sinabi niya na napaka importante ng in-house training dahil ang mga atleta ay nakatutok lamang sa 18 araw ng kanilang pag-eensayo at hindi sila pahihintulutan na bumalik sa kanilang bahay.
Ngayong CAVRAA 2025 aniya ay mayroong 20 na event na lalahukan ng 438 na atleta.
Bukod naman sa coaches ay naghanap din aniya sila ng trainer na malaki ang magiging kontribusyon sa tikas at galing ng mga atleta.
Samantala, nabigyan na rin ng allowance, vitamins, at uniform ang mga atleta kaya tiyak na sapat ang kanilang gagamitin para sa kanilang pag e-ensayo.
Tatlong paaralan naman ang gagamiting accomodation partikular ang Buena Suerte Elementary School, West Tabacal Region National High School, Culalabat Elementary School at maging ang Sports Complex.
Dagdag pa niya na hangad ng Cauayan na makasungkit ng mas maraming medalya ngayong taon mula sa 98 na medalya na naiuwi noong CAVRAA 2024.
Nakatakda naman aniya silang magtungo sa Santiago City sa darating na April 20 dahil magsisimula na ang mga programa sa April 21.