--Ads--

CAUAYAN CITY – Naging maganda ang unang arangkada ng mga atleta ng DepEd Region 2 sa pagsisimula ng mga Sporting Events sa Palarong Pambansa 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ferdinand Narciso ang Regional Sports Officer ng DepEd Region 2 sinabi niya na agad na humakot ng medalya ang mga manlalaro ng Lambak ng Cagayan sa pagsisimula pa lamang ng mga palaro sa Cebu City.

Nagkamit ng pilak na medalya  si Precious Rovy Andres na may 31.14 meters sa discuss throw elementary girls, habang Bronze Medal naman ang nasikwat ni John Michael Roy Catindoy para sa long jump Elementary boys finals.

Nagwagi din ang rehiyon sa elimination games sa softball elementary girls, softball secondary girls, baseball elementary girls, tennis elementary girls single, at sa table tennis.

--Ads--

Alas kuwatro pa lamang umano ng madaling araw ay agad nang sumalang sa mga palaro ang mga atleta.

Umaasa naman sila na magtutuluy-tuloy ang paghakot ng medalya ng mga atleta partikular sa Athletics at Throwing Events.

Samantala, naka-recober na ang nasa tatlumpung mga atleta, coaches at miyembro ng technical working group na nakaranas ng pananakit ng tiyan at sore throat.

Inaasahan naman ng DepEd Region 2 na makakapaglaro na ang mga nagkasakit na atleta oras na mabigyan sila ng medical clearance.