CAUAYAN CITY – Bumagsak ang dalawang tent ng mga atletang kabilang sa high jump girls division matapos may nabuong ipo-ipo sa kasagsagan ng mga laro sa nagpapatuloy na Philippine Athletics Championship sa Ilagan City Sports Complex.
Dahil sa namuong ipo-ipo ay naghiyawan at natakot ang mga manonood dahil sa pangamba subalit kaagad namang nakatakbo ang mga atleta at sporting officials na nasa silong ng natumbang dalawang tent kaya mapalad na walang nasaktan.
Matapos ang panandaliang namuong ipo-ipo ay ipinagpatuloy din ang kompetisyon.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA DOST Echague na devil dust o ipo-ipo ang naranasang malakas na hangin sa Ilagan City Sports Complex.
Inihayag niya na normal lamang itong pangyayari pangunahin na kapag ang isang lugar ay babad sa init ng panahon.