--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigpit nang ipinapatupad ng Land Transportation Office (LTO) region 2 ang mga  karagdagang panuntunan sa pagkuha ng driver’s license ng mga motorista.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manny Baricaua, administrative officer ng LTO Region 2,  sinabi niya na lahat ng mga kukuha ng student permit mula sa mga sangay ng LTO ay kailangang sumailalim sa theoretical driving course.

Ang pagsailalim sa theoretical driving course ay isa lamang sa mga bagong panuntunan ng LTO bago mabigyan ng student permit o driver’s license ang isang motorista.

Ang mga kukuha naman ng non-professional driver’s license ay dapat munang dumaan sa practical driving course habang ang mga nais magpadagdag ng restriction code ay kailangang sumailalim sa 8 na oras na practical driving course

--Ads--

Ayon kay Ginoong Baricaua, nagsimula ang pagpapatupad nila ng bagong panuntunan ng LTO noong ika-3 ng Agosto 2020.

Ang nasabing mga pagbabago  ay bilang bahagi  ng adbokasiya ng LTO sa road safety dahil nangunguna pa rin ang kakulangan ng kaalaman ng motorista  ang  madalas na sanhi ang aksidente sa lansangan.

Ang mga motoristang kukuha ng student permit o lisensiya ay maaaring mag-enroll sa mga accredited driving schools ng LTO.

Samantala, naglabas na ng moratorium ang LTO sa mga driving schools na nais pang magpa-accredit.

Maliban sa driving lessons ay may ibibigay na module ang LTO na susundin ng motorista sa pagsailalim sa driving course.

Ang pahayag ni Ginoong Manny Baricaua ng LTO region 2.