CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipinapatupad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) region 2 ang mga bagong protocol na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ang OIC Juvilyn Anns Gumabay ng OWWA region 2, sinabi niya na sa ngayon ay tuluy-tuloy ang pagpapauwi sa mga OFW’s ngunit kailangang sundin ang mga bagong protocol.
Aniya, lahat ng mga uuwing OFW ay kailangang magrehistro sa E-CIF para makakuha ng QR code.
Pagdating nila sa NAIA ay sasailalim sila sa briefing sa health at safety protocol bago kumuha ng form para sa OWWA project care.
Kailangan din nilang magtungo sa Bureau of quarantine para sa clearance ng kanilang mga bagahe.
Ang mga land-based OFW ay didiretso sa OWWA Arrival Counter para ibigay ang kanilang Project Care form habang didiretso sa Martitime Industry Authority ang mga sea-based OFW.
Ang hotel accommodation para sa land-based OFW ay sasagutin ng OWWA habang ang mismong manning agency ang aasikaso sa accommodation ng mga sea-based OFW.
Sa ikaanim na araw ng kanilang pananatili sa quarantine hotel facility ay magsasagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng swab testing at mananatili sila sa quarantine hanggang lumabas ang resulta.
Ang mga negatibo sa COVID-19 ay makakakuha ng kanilang BOC certificate bago susunduin ng OWWA bus at dadalhin sa PITX terminal at ihahatid sa kanilang drop off point.
Sa kasalukuyan may tatlong drop off point para sa mga OFW na uuwi ng Region 2.
Ang isa ay sa Bayombong, Nueva Vizcaya, Punta Amelita sa Cordon, Isabela at Tuguegarao City Evacuation center.
Pagkahatid sa drop off point, ang OWWA officer na nakatalaga sa lugar ay agad na makikipag-ugnayan sa mga LGU para sunduin ang mga OFW.
Maliban sa assistance ay mabibigyan din ang financial assistance ang mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa COVId-19 sa ilalim ng DOLE AKAP program.
Bukod sa DOLE-AKAP ay nagbibigay din sila ng calamity assistance na 3,000 para sa mga aktibong OFW na naapektuhan ng nagdaang bagong Ulysses..
Ayon kay Ginang Gumabay, tinatayang nasa 17,000 na OFW na ang nakapag-apply para sa calamity assistance, 9,000 ang aprubado na at naghihintay na lamang na mai-release.
Ang DOLE AKAP ay pamamahagi sa pamamagitan ng remittance center habang ang calamity assistance ay ipapamahagi sa pamamagitan ng face-to-face.











