--Ads--

CAUAYAN CITY- Handa ang mga bagong sundalong nagsipagtapos ng pagsasanay na sumabak sa alinmang bahagi ng bansa kahit pa sa Marawi City upang makipagsabayan ng bakbakan sa mga teroristang maute.

Ito ang inihayag ng mahigit isang daang nagtapos ng Candidate Soldier’s Course Class 454-2017 kung saan sila nanumpa sa isinagawang graduation ceremony sa 5th Division Training School sa Camp Melchor Dela Cruz Upi, Gamu, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng kanilang number one sa klase na si Private Gaylord Pasaraba ng Barangay Binag, Lallo, Cagayan na kahit saang bahagi ng Pilipinas, idedestino ang kanilang pangkat ay handa silang sumunod dahil sa kanilang sinumpaan na ipagtatanggol ang bansa.

Si Private Pasaraba ang nanguna sa kanyang klase na binubuo ng 133 na may 90.24% na pereho sa academic at non-academic requirements matapos ang apat na buwang pagsasanay.

--Ads--

Ayon kay Private Pasaraba, napilitan siyang huminto sa pag-aaral sa kursong Agrikultura sa Cagayan State University Lallo Campus makaraang hindi na makayanan ng mga magulang na tustusan ang kanyang pag-aaral.

Bukod dito ay ambisyon din niyang maging sundalo.

Samantala, inihayag naman ni Ginang Irene Pasaraba, ina ni Private Gaylord ang kanyang kasiyahan at nagtapos na bilang sundalo ang kanyang anak.

Bagamat nais nilang makapag-aral ang anak ay kinukulang sila ng pera sa pagpapaaral kaya kanilang sinuportahan ang ambisyong maging sundalo

Samantala, ang number 3 sa kanilang klase ay si Private Rizaldo Agiam na nakakuha ng 89.74% at number 2 si Rodel Cabadbad na may average 90.09 habang ang tinawag nilang Tarsan o nakakuha ng Physical Fitness Test Award na nakuha ng general average na 94.83% ay si Richard Maribbay.