CAUAYAN CITY – Narekober ng mga kasapi ng 86th Infantry Battalion Philippine Army sa kanilang isinagawang clearing operation sa pinangyarihan ng sagupaan kahapon ang mga magazine, bala, anti-personnel mine at ilang gamit sa paggawa ng bomba ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Nauna rito ay nagkasagupa ang mga kasapi ng Charlie Company ng 86th IB at mga kasapi ng NPA sa bahagi ng Sitio Disulip, Barangay San Mariano Sur, San Guillermo Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na dakong 10:30am kahapon, March 15, 2021 nang makasagupa ng mga sundalo ang grupo ng mga NPA.
Nasa 15 ang tinatayang bilang ng mga rebelde na nakasagupa ng mga sundalo na hinihinalang pinamumunuan ng isang alyas Bam.
Nakuha sa isinagawang clearing operation ang dalawang long magazine na naglalaman ng 20 bala ng M16 armalite rifle, anti-personnel mine, 70 meters wire, blasting cap, detonating cord at isang baterya ng motorsiklo.
Ayon kay Major Dulawan, maaaring may balak na magsagawa ng karahasan ang mga rebelde dahil sa kanilang mga dalang gamit sa paggawa ng bomba.
Nakita rin sa lugar ang ilang bakas ng dugo kaya pinaniniwalaang may nasugatan na rebelde sa naganap na sagupaan.
Nagpapasalamat ang pamunuan ng 5th ID, PA sa mga mamamayan sa kanilang pagbibigay ng impormasyon hinggil sa presensiya ng mga rebelde sa kanilang lugar.