
CAUAYAN CITY – Mahirap na tungkulin ng mga opisyal ng barangay na huwag palabasin sa bahay ang mga residenteng hindi nabakunahan kontra COVID-19 ngunit kailangan itong ipatupad dahil kautusan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Liga ng mga Barangay Federation President Dante Halaman na mayroon ding mga opisyal ng barangay na hindi pa nagpabakuna.
May resolusyon aniya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na kada dalawang linggo ay sasailalim sa swab test ang mga opisyal ng barangay na hindi pa nagpabakuna.
Binanggit ni Barangay Kapitan Halaman na ipinabatid sa kanya ng LNB president ng Benito Soliven, Isabela na isang barangay kapitan ang hindi pa nagpabakuna dahil bawal sa kanilang relihiyon.
Nanawagan siya sa lahat ng mga barangay kapitan sa Isabela na gumawa ng mga paraan para mahikayat ang lahat ng mga opisyal ng barangay, frontliners at mga constituents na magpabakuna na.
Kailangan nilang tumupad sa kautusan ng pangulo kaya nanawagan siya sa lahat ng mga opisyal ng barangay na gawin ang lahat ng makakaya para mahimok na magpabakuna ang mga mamamayan sa kanilang barangay.




