CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa Red Alert Status ang ilang Barangay sa Lungsod ng Ilagan bilang paghahanda sa posibleng maging epekto ng bagyong Carina.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Paul Bacungan, City Information Officer ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan, sinabi niya na bagama’t mayroon nang pagtaas sa mga water elevation ng mga ilog ay wala pa namang binaha na mga barangay.
Passable pa rin naman aniya sa ngayon ang mga overflow bridges sa Brgy. Baculod, San Antonio at Cabisera 8.
Simula pa kahapon ay tuloy-tuloy ang pag-ulan sa Ilagan City kaya’t patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa iba’t ibang mga Barangay pangunahin na ang mga landslide prone areas.
Inihahanda na din nila ang mga evacuation centers sa bawat barangay kung sakali mang kailanganing mag-evacuate ng mga residente.
Pinayuhan naman niya ang mga residente na maging alerto at mag-ingat sa banta ng Bagyo at tiniyak naman niya na bukas ang kanilang tanggapan sa kahit na sinong nangangailangan ng tulong.