--Ads--

CAUAYAN CITY– Nakarekober ang mga kasapi ng 84th Infantry Battalion Philippine Army ng iba’t ibang baril at bala habang nagsasagawa ng combat operations sa Lipuga, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.

Kabilang sa mga narekober ng tropa ng 84th IB Charlie Company sa pangunguna ng 1st Lt Edmar Inte at 2nd Lt Jayson Vista ang dalawang Bushmaster M16 rifle; isang Colt M16 rifle; 614 na basyo ng 5.56mm; 21 basyo ng 7.62mm; 11 5.56mm long magazine assembly steel, 8 short 5.56mm magazine assembly steel at 3 bandoleer.

Ang mga war materials ay dadalhin sa 84th IB headquarter sa Sto Niño, San Jose City, Nueva Ecija para sa dokumentasyon at disposisyon.

Sinabi ng Commander ng 703rd Infantry Brigade, Philippine Army na si Col. Joseph Norwin Pasamonte na ang pagbawi ng mga war material sa Nueva Vizcaya ay isang malaking kawalan sa firepower ng Communist Terrorist Group (CTG) na magiging dahilan ng kanilang pagkabuwag sa mga susunod na buwan.

--Ads--

Samantala, pinuri ni 7th ID Commander Major Gen. Andrew Costelo ang matagumpay na operasyon ng tropa ng 84th IB at sinabing malaki ang pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng CTG sa Nueva Vizcaya dahil sa aktibong suporta ng komunidad sa gobyerno at kampanya upang wakasan ang lokal na armadong pakikibaka ng mga komunista sa kanilang mga lugar.