CAUAYAN CITY- Nasamsam ng mga awtoridad ang mga baril, bala at hinihinalang marijuana sa isinagawang paghahalughog sa bahay ng isang negosyante sa Tabuk, City, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt. Prodencio Atas, Public Information Officer ng Tabuk City Police Station sinabi niya na nagsagawa sila ng paghahalughog sa bahay ng isang negosyante at nasamsam ang improvised 12-gauge shotgun o sumpak na may lamang bala, isang caliber 45 pistol na may anim na bala sa loob ng magazine nito at isa pang magazine ng caliber 45 at mga bala ng 12-gauge shotgun, caliber 45 at caliber 22.
Nakuha rin ang hinihinalang dalawang bricks ng Marijuana sa loob ng kanyang bahay na aabot sa dalawang kilo ang timbang at tinatayang nagkakahalaga ng P240,000.
Matapos ang paghahalughog at pagkakumpiska sa mga kontrabando ay agad na inaresto ang negosyante at sa ngayon ay nakapiit na sa Tabuk City Police Station.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung kanino o saan nito nakuha ang marijuana bricks dahil ito ang unang pagkakataon na mahuli ang suspek.
Ayon kay PMaj. Atas, isang barangay na lamang ang naitalang hindi pa drug cleared sa lunsod ng Tabuk pangunahin ang Brgy. Laya East.