
CAUAYAN CITY – Patuloy na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang mga bayan sa Lambak ng Cagayan na nakapagtala ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Manuel Galang, Focal Person ng ASF Concerns ng DA Region 2 na mula noong Enero hanggang ngayong Marso 2022 ay naitala ang mga kaso ng ASF sa mga bayan ng Sta. Teresita, Tuao, Gonzaga, Sanchez Mira, Gattaran, Alcala, Lal-lo, Iguig, Baggao, Lasam, Allacapan at Enrile sa lalawigan ng Cagayan.
Matagal na walang kaso sa Isabela ngunit may naitalang kaso ng ASF sa Gamu noong March 25, 2022.
Gayunman naagapan ito sa pamamagitan ng pag-depopulate at pag-disinfect kasama ang Isabela Provincal Veterinary Office at Gamu Municipal Veterinary Office.
Sa Nueva Vizcaya ay nakapagtala ng kaso ng ASF ang bayan ng Kayapa noong March 10, 2022 habang ang bayan ng Solano ay noong April 1, 2022.
Ipinalala ni Dr. Galang ang mga bio-security measures tulad ng hindi paghalu-halo ng mga alagang hayop.
Dapat may kulambo at septic tank ang mga baboy na inaalagaan sa mga bakuran at may footbath bago pumasok ang magpapakain o magpapaligo ng mga baboy para matiyak na walang dalang virus.
Kailangang may bakod din ang piggery para walang ibang hayop at tao na makakapasok.
Sinabi ni Dr. Galang na lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang mga nakapagtala ng kaso ng ASF ay nakuha sa pagbibigay ng tira-tirang pagkain at pinaghugasan ng karne na infected ng virus.
Maaaring dulot din ito ang pagpunta ng mga trader na sakay ng kolong-kolong sa mga lugar na may outbreak ng ASF at binibli ang mga baboy na mas mura ang halaga gayundin ang mga nag-uuwi ng processed foods tulad ng longganisa at tocino na infected ng ASF.
Ayon kay Dr. Galang, sa mga bayan at lunsod na wala nang kaso ng ASF ay may mga requirement para muling makapag-alaga ang mga hog raisers tulad ng pagpapatibay ng Bantay ASF Barangay ordinance .
Layunin nito na mabantayan ng mga LGU’s ang mga kaso ng ASF sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagsunod sa mga bio-security protocol para maiwasan ang infection.
Sa region 2 ay may 54 na bayan at lunsod kabilang ang 14 na bayan sa Cagayan na mayroon nang Bantay ASF Barangay Ordinance.
Sa Isabela ay 31 na bayan at lunsod habang sa Nueva Vizcaya ay tatlo pa lamang at sa Quirino ay mayroon nang lahat ang anim na bayan.
Ayon kay Dr. Galang, ang Isabela ang kauna-unahang mayroong provincial Bantay ASF Barangay ordinance kasunod ang Quirino at Nueva Vizcaya.
Pinayuhan ni Dr. Galang ang mga hog raisers sa mga bayan at lunsod sa region 2 na pinayagan na muling makapag-alaga ng baboy na mag-apply sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para mai-paseguro sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga alagang baboy upang makakuha ng ayuda kung tinamaan ng sakit ang mga ito.




