CAUAYAN CITY – Sumampa na sa pitong munisipalidad sa Isabela ang tinamaan ng African Swine Fever o ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dra. Belina Barboza ang Provincial Veterinary Officer ng Isabela sinabi niya na nadagdagan pa ang mga lugar na aoektado ng African Swine Fever sa Isabela.
Aniya, mula sa dating apat na Municipalities na may kaso ng ASF y naidagdag ang Quezon, Cordon at Gamu, Isabela.
Isa sa mga nakitang dahilan ay ang posibleng cross contamination mula sa nag aalaga ng baboy na naililipat sa kanilang mga alaga.
Sa ngayon ay nagtatag na sila ng checkpoints sa mga nabanggit na lugar para ma contain ang naturang sakit at pansamantalang ipagbawal ang paglabas, pagpasok at pagkatay ng baboy.
Hanggang walang bakuna ay mataas aniya ang posibilidad ng hawaan ng virus kaya mahalaga ang biosecurity para maiwasang mas kumalat pa ang ASF.
Dapat na tandaan ng mga hograisers na sundin ang paglalagay ng net sa kanilang piggery para iwasang makapasok ang mga langaw na posibleng dumapo sa infected na baboy, proper disinfection at immunization.
Nilinaw naman niya na walang direktang koneksyon ang ASF vaccine sa pagkamatay ng ilang mga baboy sa Batangas na naturukan ng bakuna.
Paliwanag niya na ang mga baboy na isasailalim sa vaccination ay dapat malusog at walang anumang sakit para matiyak na walang magiging problema o hindi makokompromiso ang kaligtasan ng baboy.
Sa kabila ng mga naitatalang kaso ay kapansin pansin na tila hindi ito nag dudulot ng panic sa mga hograisers na malinaw na patunay na naging epektibo ang kanilang hakbang sa pagpapalaganap ng sapat na impormasyon kaugnay sa naturang sakit ng mga baboy.
Nangako naman ang Department of Agriculture na babayaran ang maximum 20 culled heads ng baboy bawat hog raisers na tinamaan ng sakit.