
CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan na apektado ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan ng Isabela ayon sa Provincial Veterinary Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, ang Provincial Veterinary Officer ng Isabela sinabi niya na patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring at surveillance sa mga bayan sa lalawigan dahil batay sa huling report, maliban sa bayan ng Angadanan, Roxas, Luna, Quirino at Gamu ay dumagdag na rin sa bilang ang bayan ng Echague.
Kapag nakakapagtala ng kaso ang isang lugar ay nagsasagawa sila ng culling dahil ito ang pinakamagandang paraan upang mapigil ang pagkalat ng virus.
Kahapon ay nagsagawa sila ng pagsusuri sa ilang blood samples na ipinadala sa kanilang tanggapan at malalaman ang resulta ngayong araw at malalaman din kung madadagdagan pa ang bilang ng mga bayang may mga kaso na ng ASF.
Ang mga blood samples ay galing sa mga bayan ng Alicia, Echague, Ilagan, Tumauini, Mallig at Quezon
Umabot na sa isandaan labintatlo ang kanilang na-cull na baboy mula noong nakaraang linggo.
Ayon kay Dr. Barboza, sa pagkakatala ng kaso sa nasabing mga bayan ay nalaman na hindi pa totoong ligtas ang lalawigan sa nasabing sakit kaya patuloy ang kanilang pagpapakalat ng impormasyon sa mga hograisers upang maturuan ang mga ito sa biosecurity.
Aniya dahil bahagyang nawala ang virus ay tila nagpakampante na ang ilan tulad ng pagtanggal na sa mga net sa kanilang mga kulungan kaya muling nakapagtala ng kaso ng ASF sa ilang lugar.
Malaking tulong sana aniya ito upang hindi makapasok ang mga langaw na pinaniniwalaang carrier ng virus.
Maaari rin namang may mga nakapasok na baboy sa lalawigan mula sa ibang lugar na hindi nasuri at ito ang pinagmulan ng virus.










