Nag paalala ang isang political analyst sa mga botante na maging maingat sa kanilang mga boto at tuligsain ang vote buying na pinangangalandakan ng maraming mga politiko ngayong pangangampaniya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco ,sinabi niya na tuwing halalan ay kadikit na nito ang vote buying o pagbebenta maging pamimili ng boto.
Aniya hindi naman maaaring sisihin ang taumbayan kung bakit nila ipinagpapalit ang kanilang boto sa pera dahil na rin sa ganitong kalakaran ng mga politiko sa bansa.
Wala aniyang dapat sisihin dito kundi ang dynastic politicians dahil sa kahit na alam nilang bawal ay pilit nilang binababaoy ang eleksyon sa pamamagitan ng pamimili ng boto.
Mabuti na lamang aniya na may mangilan ngilan na ngayong nahuhuli subalit ang dapat na magparusa sa mga ganitong kandidato o politiko ay ang mga botante.
Sa katunayan aniya napaka simple lamang naman sana na kung sawa na ang taumbayan sa mga trapo, tiwaling mga politiko ay huwag na silang iboto at iluklok sa pwesto.